"Lalim"
May tiwala kaba sa bugso ng tadhana?
Sa una ka lang i-tratrato ng tama, ngunit isang kisapmata mo lamang ay parang tinamaan ka na ng kalibre ng bala?
Isang tinik na hindi mo matanggal. Sinakal mo na ang sarili ng lahat lahat ngunit nandoon parin sa lalamunan ang sagabal.
Isang bubuwit na nasa puso, walang ginawa kundi subukang humalagpos. Ayaw niyang nasasaktan, kaya hindi makatulog sa gabi kahit may bundok na ng unan na kasing init ng yakap ng isang ina na nagpapatahan.
Bakit ba ganito? Masarap sa una, mahapdi sa dulo.
Bakit ba ganito? Hindi ko naman pinili ang katapusan, pero ang tadhana na ang tumapos nito.
Bakit ba ganito?
Sadyang madalim ba ang aking kapalaran?
Sadyang mahirap ba talaga ang aking tatahakin?
Sadya bang pinaglalaruaan lang ako ng hangin?
Sadya lang ba talaga lahat ng 'to?
Kahit anong lalim ng pag-iisip, hindi ko maintindihan.
Hindi ko maintindihan. Ito ba ang sulat ng langit?
Na hindi ko na muli makikita ang aking sarili na ngumiti.
Ayos lang ba talaga ako o nagpapanggap?
Nagpapanggap lang ba ako o pagod na?
Pagod na ba ako o babangon pa?
Babangon pa o ititigil na?
Ititigil na o itutuloy pa?
Ayoko na. Ayoko na.
Kahit anong lalim ng aking pag-intindi, hindi ko parin matigil ang aking hinagpis sa tadhanang kay lupit.
Comments
Post a Comment